Sunday, July 6, 2008

sino ako?*tula*

Hinahanap ko ang orihinal na kahulugan ng “kulít” (mabilis ang bigkas) sa diksiyonaryo nang makaengkuwentro ko sa Vocabulario de la lengua tagala nina Fray Juan de Noceda at Fray Pedro de Sanlucar ang isang salawikain sa loob ng lahok na “kúlit” (malumay ang bigkas):

Nagmamatandang colit nagmumurang calumpit.

At ipinaliwanag pagkatapos sa pagsasabing “El mozo se hace viejo, y el viejo se hace mozo.” Nagpipilit magmukhang matanda ang bata, at nagsisikap magmukhang bata ang matanda. Isang sinaunang leksiyon ito hinggil sa pagkukunwari. Hinggil sa mga peke’t plastik. Ngunit agad kong naisip ang sawikain ngayong “nagmumurang kamatis” o kaya’y “nagmumurang kamyas” upang tudyuhin ang isang medyo gurang na ngunit nagsisikap magmukhang tin-edyer, lalo pa’t nanliligaw sa isang babaeng hamak bata kaysa kaniya.

Ikinalungkot ko rin ang naganap na paglinsad sa salawikain. Una, magkatugma pa at magkasukat ang “kamatis” at “kalumpit,” ngunit suminsay na sa tugma’t sukat ng orihinal ang “nagmumurang kamyas.” Ikalawa, kahit ang “nagmumurang kamatis” ay malinaw na pagbaluktot sa talinghaga ng “nagmumurang kalumpit.”

At ang aking hinuha/hinala, dahil hindi kilala ng kung sinong Tarpulanong nakialam sa salawikain ang maliit na halamang tinatawag na “kúlit” at ang malaki’t matigas na punongkahoy na may pangalang “kalumpit.” Kaya hindi sinasadyang naipalit niya sa puwesto ng matanda, malaki’t matigas na punongkahoy (ang kalumpit) ang malambot na’y hamak liit pang “kamatis.” Higit sanang nararapat ang “kamatis” o kahit ang “kamyas” sa puwesto ng “nagmamatandang kúlit.” Gayunman, naglaho na sa ating alaala ang orihinal sa salawikain kaya wala sa ating nakapuna sa pagpilipit sa kahulugan nito ng lumikha sa salawikain ngayong “nagmumurang kamatis” o “nagmumurang kamyas.” Tulad ng Tarpulano, hindi rin naman natin maiintindihan ang orihinal dahil marami sa atin ang ni hindi pa nakakikita ng “kúlit” o “kalumpit” kaya’t hindi kailanman makukuro ang ipinahihiwatig na liit at lambot ng una kasalungat ng laki at tigas ng ikalawa.

NAPAKAIKLI ng ating pambansang gunita. Anupa’t lalong tumitingkad ang gayong limitasyon ng ating alaala kapag ikinompara sa napakayamang alaalang tinipon at inimbak para sa atin ngayon ng Vocabulario nina Noceda at Sanlucar. May mahigit sandaan at isang maikling tulang nakasingit sa loob ng mga lahok na salitang Tagalog sa naturang diksiyonaryo. Mga katutubong salawikain, bugtong, tanaga, dalit, at isang diona. Mga pangungusap ito hinggil sa ating sinaunang paniwala, pilosopiya, ugnayang panlipunan, at mga paraan ng pamumuhay. Bukod pa, tulad ng sinipi kong salawikain, ipinagugunita ng mga tula ang kaligirang matatagpuan sa Filipinas pagdating ng mga Espanyol. Naging tungkulin ng haraya noon ang masigasig na pagtula hinggil sa ating katutubong daigdig, ang ating sariling henesis, upang maging salalayan ng daratal nating kasaysayan at pagbabago ng pambansang kaakuhan.

Bukod sa “kúlit” at “kalumpit,” nakaukit sa mga taludtod ang “paho,” “doso,” “balanggot,” “bulak talahib,” “biri,” “banlogan,” “balang,” “sampaga,” atbp kapiling ng mas kabesado nating “palay,” “niyog,” “kawayan,” “dagat,” at “bundok.” Isinatula ng mga makata noon ang mga bagay na ito dahil bahagi ng kanilang sariling pagkatao. Marahil, dahil sa paniwala noon na dumaranas ng isang mahabang paglalakbay ang isang taong sumakabilang-buhay at higit na nagiging mapanganib ang paglalakbay kapag nalimot niya ang kaniyang pangalan at pinanggalingan.

Wika nga ng matatanda: “Ang hindi lumingon sa pinanggalingan / Di makararating sa paroroonan.”

Subalit mga alaala itong naglaho na sa ating kasalukuyang modernong buhay. (Marahil, kaya tila tayo kaluluwa ng patay na hindi matahimik at hindi makita ang paroroonan.) Kaya’t kung sakaling matagpuan natin sa bokabularyo ang bugtong na ito

Mapuputing dalaga nagtatalik sa lila ay halos magmukha tayong tanga. Kilala naman natin ang mga ginamit na salita. Ngunit bakit nagtatalik ang mapuputing dalaga? Kapag umiral ang ating malikot na diwang pornograpiko, itatanong natin kung tungkol ba ito sa mga tibo? At bakit “lila”? Biyoleta ba ang kulay ng kanilang banig o kulambo? Lalong magliliyab ang ating imahinasyon sa erotisismo kapag nabatid nating bugtong ito para sa lahok na “bulaklak.”

Maaari tayong iligaw kung saan ng ating kontemporaneong kaalaman. Una, hindi kulay ang “lila.” Ito ang tawag sa sinaunang luwad na crisol o melting pot. Ginagamit ito noon sa pagtunaw ng metal ngunit nagsisilbi ring kawali sa araw-araw, tulad sa pagbubusa ng bigas. Ang bigas na ibinubusa ang tinutukoy na “mapuputing dalaga” sa bugtong, na kapag nagsibuka ay para nga namang “bulaklak”—ang tawag ng ating mga ninuno sa ating poprice ngayon.

ISINISISI nating malimit ang angkin nating maikli’t napugtong alaala sa kolonyalismong Espanyol. Na sa isang banda’y totoo, lalo na para sa mga pook na matagal nasadlak sa matinding bisa ng Kristiyanisasyon. Alinsunod nga kay E. Arsenio Manuel, nabura ng Kristiyanisasyon ang ating katutubong alaala at napalitan ng kulturang hatid ng mga kolonyalista’t fraile. Halimbawa nito ang unang librong may taglay na tula sa panahon ng Espanyol — ang Memorial de la vida christiana ni Fray Francisco de San Jose. Sang-ayon sa pag-aaral ni Dr. Bienvenido Lumbera, taglay ng aklat na ito ang naging tatlong uri ng tula sa Tagalog bunga ng kolonyalismo: ang tulang-bayan na kinakatawan ng “May bagyo ma’t may rilim” na sinulat ng isang di-kinilalang makata; ang tulang ladino na kinakatawan ng “Salamat nang ualang hanga” ni Don Fernando Bagongbanta; at ang tulang misyonero na kinakatawan ng mga sinulat mismong berso ni Francisco de San Jose.

Masama ang lasa ni Lumbera sa pagtula ni San Jose. Malinaw diumanong bagito pa sa wika at lalo na sa katutubong katangian ng tulang Tagalog si San Jose kaya hilahod at halos prosa ang mga linya nito, didaktiko, at dahop sa talinghaga. Subalit hindi marahil napansin ni Lumbera ang kauna-unahang tula ni San Jose sa Memorial. Sa kaniyang pambungad na papuri sa himala ng Santa Cruz at pagtatakwil sa gawain ni Lucifer ay nagwakas si San Jose sa sumusunod na dalawang saknong:

O Diablong manunuboc ang dilang aral mo’y buctot, houag cang sumumoc sumoc, cami’y hindi natatacot.

At ang aming tinotongcod ang sandatang Santa Cruz, pinagpacoan cay Jesus, (na sa tauo, ay tumubos.)

Marahil, tatawagin ito ni San Jose na halimbawa ng isang romance. Ngunit kailangang igiit din natin ngayong mga saknong itong sinulat alinsunod sa katutubo nating “dalit.” Nadoble ang bilang ng taludtod ngunit nanatili ang paggamit ng isahang tugma. Gayunman, ang paggamit ng iisang uri ng tugma sa loob ng walong taludtod ay waring sagisag din ng umaapaw na kalooban ni San Jose sa pagpoproklama ng kaniyang Kristiyanong pananalig na hindi matimpi upang ipaloob sa isang saknong lamang na dalit.

Higit sa lahat at dito pa lamang, taglay ng tula ni San Jose ang pangkalahatang makinarya ng subersiyong tinupad ng mga misyonero upang igiit sa ating buhay at alaala ang doktrinang Kristiyano. Ang paggamit ng wikang Tagalog at anyong katutubo ay isang panukala mismo upang ipaangkin sa mga Filipino ang hatid niyang banyagang pagsampalataya. Sa loob naman ng dalawang saknong ay naisadula niya ang batayang tunggalian sa buhay ng isang Kristiyano, ang pagbaka sa Diyablong “buktot” at ang pagtitiwala sa Banal na Krus ni Jesus na may kapangyarihang “tumubos.”

1605 pa lamang ang Memorial ni San Jose. Pagsapit ng 1645, peperpektuhin ni Fray Pedro de Herrera sa Meditaciones ang paggamit ng dalit para sa mahahabang pagmumuning Kristiyano. Pagkatapos ng sansiglo, isang Indio mulang Batangas, si Gaspar Aquino de Belen noong 1703 ang patulang magpapaliwang sa Mahal na Passion. Kaya’t pagdating ng ika-19 siglo, handang-handang tumangkilik at maaliw ang taumbayan sa awit at korido, senakulo’t moro-moro, at mga babasahin at panooring walang anino man lamang ng “kúlit” at “kalumpit.” At isang panitikan itong sinulat ng mga Filipinong edukado ang haraya sa kaalamang dulot ng kolonyalismo.

KAYA malaking bahagi ng kilusang makabayan bago matapos ang ika-19 siglo ang nakaukol sa pagbabalik ng kamalayang Filipino mula sa pagliliwaliw sa Bethlehem, Judea, Persiya, Polandiya, Macedonia, Roma, Pransiya, at iba pang pook na kinabuhayan ng mga propeta’t martir at ginalugad ng mga Krusero’t kabalyero, Bahagi pa rin ng daigdig na ito ang gubat ng Albanyang pinagpugalan kay Florante ngunit kinalugdan si Balagtas nina Rizal at Bonifacio dahil nabasa nila sa mga kaliluhan “sa loob at labas ng bayan kong sawi” ang sarili nilang pagkatanto sa mga abuso ng fraile’t kolonisador sa kanilang “lupang tinubuan.”

Likha ng pag-ibig sa sariling bayan ang Noli at Fili. Likha rin ito ng mithiing muling ituon ang imahinasyon sa kaligirang kilala ni Rizal mulang pagkabata—ang rural na bukid, lawa, at gubat ng Dan Diego at ang Europeong moog ng Intramuros, mga bahay-na-bato, kolehiyo’t aliwan sa lungsod ng Maynila. Kahit ang masigasig na pag-oorganisa ni Bonifacio para sa kalayaan ay may kaakibat na paglingon sa kasaysayan at pagbuhay sa sinauna’t tradisyonal na makatutulong upang maibalik ang “dangal” at “puri” ng Inang Filipinas.

Ang lunggating ito ng mga Propagandista at Katipunero ang sinimsim at isinapuso ng mga manunulat sa ika-20 siglo. Kahit nasa ilalim ng mga Amerikano, ang naging kampanya ng mga politiko tungo sa Filipinisasyon ng gobyerno ay naging katapat ng masikhay na pag-aruga sa tradisyon ng mga tinawag kong Balagtasista at ng matipunong nostalhiya hinggil sa lumipas ng mga tulad nina Amorsolo at Tampingco sa ibang larangan ng sining. Ito ang susudlungan ng dumatal na impluwensiyang Realista na hatid ng Amerikanisasyon, lalo na ang tipong kinakatawan nina Hemingway, Steinbeck, Balzac, at Flaubert sa katha at nina Chekhov at Ibsen sa dula. Magiging magiliw din ito sa Realismong Sosyalista na may markang Marxista at sa mga pagsulat na kahit paano’y naghahanap ng “pakikisangkot panlipunan.”
Anupa’t isang panahon ng Realismo ang ika-20 siglo.

Noon pang bago magkadigma, iniatas na ni Arturo B. Rotor sa mga manunulat ng Writers League of the Philippines: “Let us stop for a moment mooning about dawn in the eastern seas and the star-studded tropical sky. Let us consider instead our next door neighbor and try to find out why it is that he has been unemployed for one year, why it is that he who has so little to pay has to pay so much for rent, clothes and food; and how it is that his sick child goes untreated when in the same block there are three physicians who do not have enough patients. Let us spend less time reading about literary cults and cliques, and a little more time reading up on the economic paradoxes of the century, the conflict between the different ideologies, the march of progress in the other lines of human effort.”

Hindi ito nasawata ng malilikot na eksperimento ni Jose Garcia Villa. Labis na pagsamba sa Sining-Para-Lamang-Sa-Sining ang kaniyang pagmumuni sa mga tigre’t pantera, alakdang selestiyal, at mga mongheng asul na kumakain ng pink raisins. Tulad ng pangyayaring isinakdal ng kaniyang kahenerasyon ang “Ako ang Daigdig” ni Alejandro G. Abadilla dahil lubhang indibidwalista upang maituring na Tula.

Nagtiwala ang manunulat na Filipino sa wika ni Chekhov na “Ang layunin ng katha ay absoluto at matapat na katotohanan.” Lalo na sa idinagdag ni S.P. Lopez na nasusukat ang katangian ng imahinasyon sa paraan ng paggamit sa “obhetibong realidad” (objective reality).

Totoo, may mga larangang sinalungat ito ng lumusog ding kilusang Modernista, ngunit ang kulto ng Objective Correlative sa New Criticism ay mapaghanap din ng konkretong detalye at karaniwang nakabatay sa tunay na buhay sa kasalukuyang lipunan. Totoo, nakatagpo ng malusog na paminhian ang Romantisistang saloobin sa mga komersiyal at popular na babasahin, ngunit higit pa ring kinagigiliwan yaong tipong “hango sa tunay na pangyayari” at may tagpuang napapanahon. Kahit sa entablado, sa panukatang ito pinatay ng sarsuwela ang moro-moro. Totoo, hinalaw ni Severino Reyes ang mga awit at korido at naging napakapopular na Mga Kuwento ni Lola Basiang; sinubaybayan ng madla ang komiks nina Mars Ravelo at Francisco Coching; at may panahong higit na maraming bumabasa sa nilubid-lubid na bulong ng puso sa Ingles nina Carbonel & Co. kaysa mga nagwaging kuwento sa Philippines Free Press at Palanca. Subalit pinaratangan ng mga iginagalang na guro’t kritiko ang mga gawaing ito bilang sining ng “bakya” kung hindi man “eskapista” at produkto ng karumal-dumal na motibong “komersiyalista.” “Mababaw.” “Mababa.” “Hindi pang-Palanca.”

DATAPWAT may naging katumbas na sakripisyo ang naganap na pamamayani ng Realismo nitong nakaraang siglo. Sa maraming pagkakataon, lansakan nitong nilait ang panitikan ng kolonyalismong Espanyol bilang “panahon ng oskurantismo” at kinondenang lubhang “sentimental,” o “didaktiko,” o “konserbatibo” ang akdang makitahan ng anumang bahid ng metriko romanse o sermong Kristiyano. Ang damdaming ito, bukod sa tiyak na taguyod sa panitikang Ingles bilang anak ng Amerikanisasyon, ang sumikil sa panitikang nakasulat sa wikang Espanyol. Ang malungkot, kaugnay nito’y napugto din ang nagsisimulang ugnayan ng manunulat na Filipino sa bungad ng ika-20 siglo sa mga bagong pagsulat na nagaganap sa America Latina. At napugto rin ang posibilidad na kaagad sana nating naisaloob ang mapagbagong Modernismo nina Ruben Dario at Vicente Huidobro, o nahawa man lamang sana tayo sa namumuong paraan ng pagkathang naging moda kamakailan sa pangalang “Magic Realism.”

Ang higit na malungkot, ang lansakang pagkondena sa lumipas na panitikan ng kolonyalismo ay nakaapekto maging sa ating pagpapahalaga sa natitirang mga piraso ng panitikan bago dumating ang mga Espanyol. Naging mainipin at paimbabaw ang paghalungkat natin sa mga alaala na talaga namang madalas ay putol-putol, nababalot ng putik at dumi ng nagdaang panahon, kubi-kubikong at mahirap makilala. Kaya malimit na kung hindi mababaw ay eksaherado—at mali—ang pag-aninaw natin sa ating sinaunang anino. Isang halimbawa nito ang linsad nating paggunita sa salawikain ng “nagmumurang kalumpit.”

May palatandaan ding lubhang nahumaling ang manunulat na Filipino sa pagbusisi ng Obhetibong Realidad. Kung baga, nakanal ang pambansang haraya sa programang Realista. Kahit ang edukasyon at kritisismo ay lubhang naging makiling sa paglitis sa katunayan ng Tunay at katotohanan ng Totoo. Bunga ng ganitong halos kulto ng Katotohanan, kahit ang mga historyador natin ay nagbubuhos ng talino’t buhay para sa pagtiyak lamang ng tamang petsa, tamang pangalan, at tamang lunan sa kasaysayan.

Ngayon, totoo namang sumulong ang ating harayang Realista mulang lawiswis-kawayan at bituing marikit ng kundiman tungo sa matitimyas na katutubong kulay ng “Suyuan sa Tubigan” ni Macario Pineda at “How My Brother Leon Brought Home A Wife” ni Manuel Arguilla, at tungo pa sa “Nagbibihis Na Ang Nayon” ni Brigido Batungbakal, “Tata Selo” ni Rogelio Sicat, at “Lugmok Na Ang Nayon” ni Edgardo M. Reyes. Totoong higit na matalim ang pagtatanghal sa tunggalian ng mga uri sa mga akdang produkto ng islogang “Imperyalismo, Piyudalismo, Burukrata-Kapitalismo Ibagsak” nitong nakaraang ilang dekada kaysa debate nina Felipe at Delfin sa Banaag at Sikat.

Subalit saan tayo inihahatid ng ganitong panatismo sa Obhetibong Realidad? Tulad ng naipahiwatig ko na, hindi kaya nagmimistulang bartolina din ito ng ating panitikan, pumipigil sa ating kalooban upang humanap ng ibang pakikipagsapalaran, pumuputol sa bagwis na haraya upang tuklasin ang sinasabi ni Chesterton na “mga misteryo ng gunita at mga kirot ng lunggati”?

Laging masaklap ang larawang itinatanghal sa atin ng Obhetibong Realidad. Laging marahas at mapaniil, kaya nauupos tayo bago magkaroon ng pagkakataong managinip. Kahit ang sumisingit at saglit-saglit na panaginip ay nilulunod ng malalagim na pangitain. Kaya daig pa natin ang nagpepenitensiya sa ating sansiglo ng pagsamba sa Katotohanan. At ang totoo, hindi tayo umuusad. Bawat likhain nating biktima ng biyolenteng Katotohanan ngayon ay duplikado lamang at karikatura ng isa sa mga busabos ng Kristiyanidad sa San Diego. At ulit-ulit nating binubuhay sina Kabesang Tales, Sisa, Huli, Basilio, Isagani, Señor Pasta, at kahit si Crisostomo Ibarra na tulad ng ulit-ulit na paghampas ng nagpepenitensiya sa kaniyang hamak na katawan.

Lalo lamang ipinapako ng Katotohanan ang ating haraya sa nakamihasnang pagdanas ng karahasan sa loob ng sansiglo. Pinaglahuan ng nakaraan at may makapal na ulap ang hinaharap, nanatili tayong nakasalagmak sa masasaklap na katotohanan ng kasalukuyan. Nagrorosaryo ng sawi’t martir. Ulit-ulit. Nais yata nating patunayan ang haka ni Borges na maaaring itanghal ang unibersal sa pamamagitan ng ilang metapora lamang.

IBIG kong balikan ngayon ang salawikain ng “kúlit” at “kalumpit.” Bakit kaya higit nating piniling alalahanin lamang ang “nagmumurang” bahagi ng salawikain? At bakit ang bahaging ito ang ating sinisipi upang pagkatapos ay gamitin nating pangkutya sa ibig nating pagtawanan?

Sa kabilang dako, bakit kaya nabura sa ating alaala ang “nagmamatandang kúlit”? Hindi kaya sinadya nating sikilin ang taludtod na ito sa orihinal na salawikain? Sinadya nating sikilin upang maipagkaila ang naging lunggati ng ating haraya mula nitong ika-20 siglo? Dahil sa puso ng ating puso ay nais nating lumitaw na matanda at maalam sa ating dinatnan at binuong daigdig ngunit ayaw nating matukso man lamang na “nagmamatandang kúlit”?

Sa bungad pa lamang ng ika-20 siglo, nais nating umahon mula sa bilangguan ng kolonyalismo bilang in lamang nating pelikulang bomba ang kaniyang “Summer Solstice.” Ginawang karnabal ni Wilfrido Nolledo ang pagwawakas ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa nobelang But For the Lovers. Ngunit bihira ang natuwa sa kaniyang sinematiko’t mapaglarong palabas ng mga unano, pekeng higante, sirkero, salamangkero, manghuhula, badaf, bombera, puta, at ang babaeng walang pangalan. Gaya ng literal nating pagbasa kina Chekhov at Rizal, nais nating payak at matapat kahit ang presentasyon ng Obhetibong Realidad. Kaya nasa mga aklat pampaaralan ang “Divide By Two” at “Flowers of May” ni Francisco Arcellana ngunit walang sumusuri sa “Trilogy of the Turtles.” Kung maaari lamang sana, higit nating nais na mahalin ang literatura bilang isang uri ng patriyotismo.

Siyempre, eksaherado at may bahid ng aking personal na prehuwisyo ang presentasyon kong ito sa Filipinas ng ating haraya. Gayunman, sadyang naniniwala akong hinihingi na ng panahon ang pag-usig sa naging pangunahing daloy ng ating makabagong panitikan sa loob ng sansiglo. Kailangang bigyan natin ng higit na puwang ang ibang daloy, lalo na yaong hitik sa maligayang kabalighuan at espiritung komiko. Kahit dito sa Palanca Awards Night, humahalakhak lamang tayo kapag medyo kargado na’t may ibang pinagtatawanan.

Bihira nating pagtawanan ang sarili. Kayang-kaya natin itong hampasin at alipustain bagaman hindi natin mapagtawanan ang ating “pagmamatandang kúlit.” Subalit namnamin ngayon ang dalisay na aliw at nakatimong halakhak sa bawat taludtod ng matandang dalit na ito:

Isda acong gaga sapsap gagataliptip calapad caya naquiquipagpusag, ang calagoyo’y apahap.

Napakawalang-pitagan ng tinig na ito ng “sapsap.” Ni walang bahid ng anumang pangingimi at surot ng budhi sa ginagawang pakikisalamuha (“naquiquipagpusag”) sa malalaking apahap. Tayo lamang ang babasa ngayon na isang pang-uuyam ito sa social climber, sa mga ambisyoso’t mahilig makipagbungguang-balikat sa mariwasa’t makapangyarihan sa ating lipunan. Ngunit sino kayang dukha (“sapsap”) ang hindi malilipos ng tuwa kapag nagkaroon ng pagkakataong makipagpiging sa Manila Peninsula?

O kaya’y lasapin natin ang kagila-gilalas na kapalaran ng apat na pulubi sa isa nating awiting-bayan. “Nagsayaw ang pilay, kumanta ang pipi.” Kababalaghan itong nalilikha lamang ng masiste, mapangarapin, at “nagmumurang kalumpit” na haraya. Ayaw natin ng himala ngunit baka kailangan natin ng kahit kaprasitong madyik para tayo sumigla? Hindi kaya ipinagugunita ng ganitong mumunting piraso ng sinaunang alaala na maaari tayong makinabang kapag ibinaling ang ating pansin mula sa mga kawawa’t busabos ng San Diego tungo sa mga pantastikong pulubi ng San Roque?

No comments: