Friday, June 13, 2008

kritikismo -filipino (icehs)

KRITISISMO: “Kalinangan”




Bagamat hindi madaling maintindihan sa unang basahan, ang kwentong tulad nito ay maituturing isa sa mga magandang kwento na mababasa na may patungkol sa ating lipunan. Ang manunulat na si Johannes L. Chua ay may hangarin na mabuksan ang isipan ng kanyang mambabasa sa pamamagitan ng pagkekwento kung ano na nga ba ang maaaring maging hitsura at kalagayan ng ating bansa pagdating ng taong 2046. At base sa kwento, bagamat ang lahat ay umunlad dahil sa teknolohiya, ang kalagayan mismo ng bansa ang hindi napasama sa mga umunlad. Lahat ay naging numero at ni letra ay walang natira mula sa nakaraan. At ang isa pang malupit na pangyayari ay itinuturing ng makabagong henerasyon na basura ang lahat ng mga bagay na umuusbong pa rin sa taong iyon kahit ito’y nanggaling sa nakaraan. At isa pa, walang halong emosyon ang lahat at katamaran ang umiiral. Isang napakadalubhasang paraan para sa isang manunulat ang maikwento ang maaaring kalagayan ng bansa ilang taon man ang lumipas. At para sa isang manunulat na si Chua, maraming tatangkilik ng kanyang akda dahil sa husay nito.

Si Kalinangan o kilala bilang si SF#01122026 ay sumisimbolo sa mga Pilipinong nabulag na dahil sa umuunlad na teknolohiya. Sino nga ba ang nagdala ng teknolohiya sa ating bansa? Hindi ba at ang mga nananakop din? Sila ang nagpakilala sa atin ng mga ito, at malamang, tayo naman ang nagpaimpluwensya. Kung susuriin natin sa marxismong pananaw, totoong maaaring mangyari nga ito sa kinabukasan ng lahat ng tao. Ilang taon na nga ba natin pinagsisikapang makaahon sa hirap at mawala sa kapangyarihan ng mga may kaya? Mahigit sampung taon na. Ngunit wala pa ring nangyayari dahil hindi nagsasawa ang mga tao sa kinagigisnan nila. At iyan ang nais ihatid sa atin ng manunulat na kahit ilang siglo pa ang dumating, hindi pa rin magigising ang mga Pilipino kung walang manghihikayat at manggigising sa kanila sa katotohanan.

Si Kalinangan ay hindi na naiba sa lahat. At naging tamad dahil ang nagpapagana na sa kanyang buhay ay numero at ang teknolohiya. Sigaw lang ang katapat ng kaginhawaan ng buhay niya. Paano na nga lang ba kung dumating ang panahong kailangan na ng lakas at hindi ng utos? Malayong makalagpas pa ng buhay itong si Kalinangan.

Ang basura na tinutukoy niya ay ang retrato ng kanyang lolo. Sumisimbolo ito sa kasaysayan, at itinuturing nilang basura dahil hindi nagalaw. At iyan ang problema ng mga tao, bulag na’y niloloko pa ang mga sarili. Si Liwanag, at ang Samahan ay ang sumisimbolo sa mga aktibista. Bagamat ito’y nangyari sa kinabukasan ng lahat, ito’y sumasalamin pa rin sa kung anong lipunan mayroon ang Pilipinas. Isa lamang ang Lolo ni Kalinangan sa mga taong bukas pa rin ang isip kahit katandaan na ang makikita sa mga mata nito.

Ang Central Government ang sumisimbolo naman sa gobyerno ng Pilipinas. Sinasabi na kahit isang beses kang lumabag sa batas ng Central Government ikaw ay maaari nang mabura sa mundo. Ibig sabihin, ito’y ang pamahalaan natin ngayon na siyang humahawak sa lahat ng karapatan ng mamamayan. Mabuti pa nga dahil sa ngayon, hindi lahat ng karapatan ng tao ay kinukuha ng pamahalaan pero ayon sa kwento, maaaring dumating ang panahon na ang lahat ng karapatan ay kunin na rin ng pamahalaan. Pati ang karapatan ng tao sa pamamahayag, sa paglalabas ng damdamin at iba pa ay mawala dahil lamang sa ayaw nito ng gulo. Ngunit ang totoo ang gulo ay nanggagaling na rin pamahalaan dahil nagpapalabas sila ng mga gawain na labag sa nais ng mamamayan kaya nagiging sanhi ng pagkakaroon ng mga rebelde.

Kung titingnan sa eksistensyalismong pananaw, ang pagkakaroon daw at paghahangad ng kalayaan ang nagiging sanhi ng kaguluhan. Kahit kailan ay hindi magiging sanhi kaguluhan ang kalayaan. Lahat ng tao nais at hangad ang salitang ito. Kaya lang naman hindi ito maabot ng lahat ay dahil hindi lahat ng tao ay bukas ang isip at handa upang gawin ito. At isa pa, sila’y kuntento na sa mga kaguluhang nagaganap sa kanilang buhay.

Si AE#06122023 naman ay maaari ring sumisimbolo sa kanyang pangalan sa Samahan, ang liwanag. Iisa lamang siya, iisa lamang ang liwanag at kailangan niya ng kalinangan upang magtagumpay sa kanyang balak. Ang nais sabihin ng manunulat sa kannyang akda ay, hindi makakamit ng mga Pilipino ang kalayaan kung iisa lamang ang liwanag bagkus, kung lahat ay natagpuan na ang liwanag, ang paghahangad nila ng kalayaan ay maaaring matupad. Kung kaya’t hinakayat agad ni Liwanag si Kalinangan ay upang maisakatuparan na ang nais ng Samahan at pati ni rin ni Sirilio Francisco. Ngunit huli na ang lahat ng maliwanagan si Kalinangan. At iyan ay isa pa sa nais iparating ng manunulat. Sinasabi niya na kailangan ng kumilos ng lahat ng tao upang hindi na umabot sa oras na ang lahat ay magiging bakal na, ang lahat ay makukuha sa tawag o kaya’y sigaw, ang lahat ay magagawa sa pamamagitan ng functions, codes at keys, kung saan ang lahat ay bulag na at nagbibingi-bingihan na. Sinasabi niya na dapat ay magising tayo tulad ni Kalinangan na nakita na ang liwanag. Kaya nga lang siya ay nahuli na at nabura sa mundo.

Isang napakagandang istorya ang kwento ni Kalinangan. Lahat ng tao ay kaya itong intindihin at siguradong ang lahat ay makakaya nitong tandaan dahil sigurado lahat ng kalagayan at hitsura ng bansa hanggang umabot sa taong 2046 ay hindi magbabago kung ang lahat ay hindi kikilos at magigising sa katotohanang nagaganap sa ating lipunan. Ipinapakita ng manunulat na si Johannes Chua sa kanyang akda ang realidad sa ating mundo na kailangang maliwanagan.

No comments: